CAGAYAN DENGUE CASES
KASO NG DENGUE SA CAGAYAN, UMABOT NA SA MAHIGIT 500 SA UNANG QUARTER NG 2025 AYON SA PHO Umabot na sa 532 ang naitalang kaso ng dengue sa lalawigan ng Cagayan mula Enero 1 hanggang Marso 24, 2025, batay sa datos ng Provincial Health Office (PHO). Sa pinakahuling ulat ng PHO, pinakamataas ang bilang ng kaso ng dengue sa bayan ng Gonzaga na may 49, kasunod ang Tuguegarao City at Baggao na may 41 at ang mga bayan ng Gattaran na may 37 na kaso. Ang iba pang bayan na may mataas na bilang ng dengue cases ay ang Alcala na nakapagtala ng 34, Aparri (27), Tuao at Abulug (25), Pamplona (24), Sta. Ana at Lasam (23). Ayon kay Nestor Santiago, Provincial Surveillance Officer ng PHO, isa sa mga nakikitang dahilan ng pagtaas ng kaso ay ang limitadong saklaw ng search and destroy operations sa mga barangay. Bilang tugon, inatasan na ng PHO ang mga barangay captain, kagawad, at mga health teams sa bawa't bayan na suyurin ang pinakaliblib na bahagi upang matiyak na walang natitirang lugar na maaaring pamugaran ng lamok. "As part of the interventions made by the PHO through the coordination sa ating Municipal Health Office or the RHUs sinabihan na natin lahat ng barangay captain at lahat ng kagawad and all the health teams in the municipal level na suyurin lahat ng pinaka suluksulukan ng kanilang zone areas ng sa ganon we can ensure na lahat ay malinisan,"pahayag ni Santiago. Naniniwala rin si Santiago na isa rin sa dahilan ng pagtaas ng kaso ay ang pagtaas ng kamalayan ng publiko, na nagiging daan upang mas marami ang natutukoy ng health teams at agad na nabibigyan ng karampatang lunas. Kaugnay rito, ikinababahala rin ng PHO na karamihan sa mga nagkakasakit o tinamaan ng dengue virus ngayon ay mga batang edad isa hanggang sampung taong gulang, kaya pinaiigting nila ang kampanya sa maagang konsultasyon. Gayunpaman, nagpaalala rin sila na ang sakit na dengue ay walang pinipiling edad at maaaring makaapekto sa sinuman. Samantala, binigyang-diin din ni Santiago na ang "environmental sanitation" o kalinisan sa kapaligiran ang pinakamadali at epektibong paraan upang mapigilan ang pagkalat ng dengue. Nagpaalala naman ito sa publiko na agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health facility kung makaranas ng lagnat, pananakit ng tiyan, pagsusuka, o iba pang sintomas na may kaugnayan sa nasabing sakit. "Kapag nakaranas po kayo ng sintomas gaya ng lagnat, sakit ng tiyan, pagsusuka and any forms of symptoms related to dengue huwag na po natin patagalin at dalhin agad sa nearest health facility para ma-check agad," pagtatapos ni Santiago. Patuloy rin ang panawagan ng PHO kaugnay sa pagsasagawa ng 5S o ang Search and destroy, Self-protection, Seek early consultation, Support fogging and spraying, at Sustain hydration upang maiwasan ang paglaganap ng sakit na dengue.